Manila - Naisabatas na noong June 4 ang karagdagang benepisyo para sa mga solo parent sa ating bansa. Ang Republic Act (RA) 11861 or the Expanded Solo Parents Welfare Act ay naglalayon na mas pagbutihin ang mga benepisyo na matatanggap ng isang indibidwal bilang single o solo parent.
Ang mga sumusunod ang ilang pagbabago sa bagong batas RA 11861:
- Sa bagong batas, binawasan ang panahon bago maideklarang single parent ang isang tao mula sa dating isang taon na ngayon ay naging anim na buwan na lamang.
- Ang mga matatandang lolo't lola na nag-iisang tagapag-alaga ng mga bata o menor de edad ay maaari ding magkaroon ng parehong mga pribilehiyo gaya ng mga solo parent.
- Bilang karagdagan sa leave privileges ng umiiral na batas, ang sinumang solo parent na nagtatrabaho sa gobyerno o pribadong sektor ay may karapatan sa pitong araw na bayad na parental leave bawat taon, na forfeitable at hindi cumulative, ayon sa bagong batas.
- Ang sinumang solo parent na kumikita ng pinakamababang sahod at mas mababa ay may karapatan din sa karagdagang suportang pinansyal na hanggang ₱1,000 bawat buwan.
- Ang 10% na discount at exemption mula sa VAT sa gatas ng sanggol, pagkain at micronutrient supplement at sanitary diapers, gamot, bakuna, at iba pang medical supplement na binili para sa mga bata hanggang anim na taong gulang ay ibinibigay din sa mga solo parents na kumikita ng mas mababa sa P250,000 sa isang taon, ayon sa bagong batas.
- Binibigyan din ng RA 11861 ang mga solo parents, partikular ang mga solo mother, ng prayoridad sa muling pagpasok sa trabaho, at sa kanilang mga anak kung naaangkop, sa apprenticeships, livelihood training, reintegration programs para sa mga OFW, at iba pang poverty alleviation programs.
- Ang mga single parent ay maaaring pumili din sa mga proyekto ng pabahay na mababa ang halaga na mula sa gobyerno at mag-aalok sa kanila ng mas mainam o flexible na panahon ng pagbabayad.
Tags:
Information